Monday, August 17, 2009

Conrado De Quiros, jologs na din.

Pasintabi na muna mga pare at mare kung matawag ko kayong jologs at hindi naman kayo jologs. May malalim na dahilan para dito.

May nakapansin sa pagka-jologs ng aking blog. Bukod sa jologs na mga entry (o pasok), marami ding jologs na comment na naglipana.

Wala namang masama sa pagiging jologs at sa katunayan, ang jologs ang dahilan kung bakit mayroon tayong mga malalaking negosyo. Kung walang jologs, walang bibili ng mga produktong nilalako araw-araw sa telebisyon, radyo at dyaryo.

Sa kasamaang palad, ang mga jologs din ang dahilan kung bakit mayroon tayong Presidenteng hindi jologs. Nuong minsan, bago itong Presidenteng hindi jologs, si Erap ang presidente at natuwa ang mga jologs kasi jologs ang namuno ng bansa. Pero, dahil nga jologs si Erap, pinagkaisahan ng mga non-jologs para patalsikin.

Hayun! Matapos lisanin ang Malakanyang at nanumpa si Gloria, nagtangkang magrebolusyon ang mga jologs. EDSA tres daw ito, pero, dahil nga jologs ang mga gumawa -- madali itong naitaboy ng pwersa ng mga non-jologs.

Nuong nagkaroon ng eleksyon nuong 2004, pagkakataon na sana ng mga jologs na magluklok ng pinuno na talagang tutulong na umangat ang buhay ng mga jologs. Ang taong pinambato nila kay Gloria ay si FPJ... Okey na rin sana, kaso... hehe! Nadaya eh. Kaya, hayun, patuloy ang ligaya ni Gloria...

At ang ginawa ng mga jologs... wala.

Heto ngayon, gumastos ng $20,000 lang naman para sa isang hapunan sa Le Cirque at $15,000 sa Bobby Vans. Kulang-kulang na P1,000,000 -- alam nyo ba kung ilang instant noodles at itlog ang mabibili nuon?

Anyway, sa pagkabagot siguro, ang idolo kong si Conrado de Quiros ay nagtagalog na at heto ang kanyang sinabi.

May araw din kayo
By Conrado de Quiros
Philippine Daily Inquirer
First Posted 01:04:00 08/17/2009

Tatagalugin ko na nang makuha n’yo. Kahit na lingwaheng kanto lang ang alam kong Tagalog.

Tutal Buwan ng Wika naman ang Agosto. Baka sakali ’yung paboritong wika ni Balagtas ay makatulong sa pag-unawa n’yo dahil mukhang ’yung paboritong wika ni Shakespeare ay lampas sa IQ n’yo. Kung sa bagay, ang pinakamahirap gisingin ay ’yung nagtutulug-tulugan. Ang pinakamahirap padinggin ay ’yung nagbibingi-bingihan. Ang pinakamahirap paintindihin ay ’yung nagmamaangmaangan. Bueno, mahirap din paintindihin ’yung likas na tanga. Pero bahala na.

Sabi mo, Cerge Remonde, alangan naman pakanin ng hotdog ang amo mo. Bakit alangan? Hindi naman vegetarian ’yon. At public service nga ’yon, makakatulong dagdagan ng cholesterol at salitre ang dugong dumadaloy papuntang puso n’ya. Kung meron man s’yang dugo, kung meron man s’yang puso.

Bakit alangan? Malamang di ka nagbabasa ng balita, o di lang talaga nagbabasa, kung hindi ay nalaman mo ’yung ginawa ni Barack Obama at Joe Biden nitong nakaraang Mayo. Galing silang White House patungong Virginia nang magtakam sila pareho ng hamburger. Pina detour nila ang motorcade at tumuloy sa unang hamburgerang nakita nila. Ito ang Ray’s Hell Burger, isang maliit at independienteng hamburger joint.

Tumungo ang dalawa sa counter at sila mismo ang nag-order, hindi mga aides. Nagbayad sila ng cash na galing sa sariling bulsa at kagaya ng ibang customers ay pumila para sa turno nila.

Ito ay presidente at bise presidente ng pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo. Kung sa bagay, ’yung amo n’yo ay hindi naman talaga presidente. Di lang makita ang pagkakaiba ni Garci kay God kaya nasabing “God put me here.” Pekeng presidente, pekeng asal presidente.

Sabi mo, Anthony Golez, maliit lang ang P1 million dinner kumpara sa bilyon-bilyong pisong dinala ng amo mo sa bansa.

Ay kayo lang naman ang nagsasabing may inambag ang amo n’yo na bilyong-bilyong piso sa kaban ng bayan. Ni anino noon wala kaming nakita. Ang nakita lang namin ay yung bilyon-bilyong piso—o borjer, ayon nga sa inyong dating kakosa na si Benjamin Abalos—na inaswang ng amo n’yo sa kaban ng bayan. Executive privilege daw ang hindi n’ya sagutin ito. Kailan pa naging pribilehiyo ng isang opisyal ang di managot sa taumbayan? Kailan pa naging pribilehiyo ng isang opisyal ang magnakaw?

Maliit lang pala ang P1 million, ay bakit hindi n’yo na lang ibigay sa nagugutom? O doon sa mga sundalo sa Mindanao? Tama si Archbishop Oscar Cruz. Isipin n’yo kung gaano karaming botas man lang ang mabibili ng P1 million at karagdagang P750,000 na nilamon ng amo n’yo at mga taga bitbit ng kanyang maleta sa isa pang restawran sa New York.

Maliit lang pala ang P1 million (at P750,000), bakit hindi n’yo na lang ibigay doon sa pamilya ng mga sundalong namatay sa Mindanao? Magkano ’yung gusto n’yong ibigay sa bawat isa? P20,000? Sa halagang iyan 50 sundalo na ang maaabuluyan n’yo sa $20,000. Pasalu-saludo pa ’yang amo n’yo sa mga namatay na kala mo ay talagang may malasakit. Bumenta na ’yang dramang ’yan. At pasabi-sabi pa ng “Annihilate the Abus!” Di ba noon pa n’ya ’yan pinangako? Mahilig lang talagang mangako ’yang amo n’yo.

Bukod pa d’yan, saan ba nanggaling ’yung limpak-limpak na salapi ng mga kongresista na pinansisindi nila ng tabako? Di ba sa amin din? Tanong n’yo muna kung ayos lang na i-blowout namin ng wine at caviar ang amo n’yo habang kami ay nagdidildil ng asin—’yung magaspang na klase ha, ’di yung iodized. Ang tindi n’yo, mga p’re.

At ikaw naman, Romulo Macalintal, tapang ng apog mo. Maiisip mo tuloy na sundin na lang ang mungkahi ni Dick the Butcher sa “Henry VI” ni Shakespeare: “First thing we do, let’s kill all the lawyers.” Pa ethics-ethics ka pa, pasalamat ka di nasunog ang bibig mo sa pagbigkas ng katagang ’yon.

Marami mang sugapa rin sa aming mga taga media, di naman kasing sugapa n’yo. At di naman kami sineswelduhan ng taumbayan. Wala naman kaming problemang sumakay sa PAL at kailangan pang bumili ng P1.2 billion jet. Anong sabi n’yo, kailangan ng amo n’yo sa pabyahe-byahe? E sino naman ang may sabing magbabyahe s’ya? Ngayon pang paalis na s’ya—malinaw na ayaw n’yang umalis. Bakit hindi na lang s’ya bumili ng Matchbox na eroplano? Kasya naman s’ya ro’n.

Lalo kayong nagpupumiglas, lalo lang kayong lumulubog sa kumunoy. Di n’yo malulusutan ang bulilyasong ginawa n’yo. Para n’yo na ring inagaw ang isinusubong kanin ng isang batang nagugutom. Tama si Obama at Biden: Sa panahon ng recession, kung saan nakalugmok ang mga Amerikano sa hirap, dapat makiramay ang mga pinuno sa taumbayan, di nagpapakapariwara. Sa panahon ng kagutuman, na matagal nang kalagayan ng Pinoy, at lalo pang tumindi sa paghagupit ng Typhoon Gloria, dapat siguro uminom na lang kayo ng insecticide. Gawin n’yo ’yan at mapapawi kaagad ang kagutuman ng bayan.

Sa bandang huli, buti na rin lang at ginawa n’yo ’yung magpasasa sa P1 million dinner habang lupaypay ang bayan sa kagutuman—di lang sa kawalan ng pagkain kundi sa iba pang bagay—at pagdadalamhati sa yumaong Ina ng Bayan. Binigyan n’yo ng mukha ang katakawan. Katakawang walang kabusugan. Mukhang di nakita ng masa sa usaping NBN, mukhang di nakikita ng masa sa usaping SAL. Mukhang nakita lang ng masa dito sa ginawa n’yong ito. Sa pagpapabondat sa New York habang naghihinagpis ang bayan.

At buti na rin lang mayroon tayong sariling wika. Di sapat ang Inggles para iparamdam sa inyo ang suklam na nararamdaman namin sa inyo. Di sapat ang Inggles para ipakita sa inyo ang pagkamuhi na nararamdaman namin sa inyo. Di maarok ng Inggles ang lalim ng poot na nararamdaman namin sa inyo.

Isinusuka na kayo ng taumbayan, mahirap man sumuka ang gutom.

May araw din kayo.

3 comments:

  1. galit na galit ang conrad. teka di naman jologs to. nagtagalog lang pero di jologs. lam mo naman yun.

    ReplyDelete
  2. Hindi jologs si Conrado, pero dahil sa title, baka lang basahin ng mga jologs thinking na jologs na talaga si Conrado and thereby, kunin nilang basahin ang saloobin ni Conrado.

    ReplyDelete
  3. tama si de quiros ang isyu sa dinner ang nagsilbing mukha ng bagay na ikinagagalit ng taongbayan sa mga arroyo. may teorya ako sa bagay na iyan.

    naiisip ko noon pa kung bakit nga ba nung panahon ni erap parang ang daling nagalit ng mga tao kumpara sa panahon ni gloria.
    naisip ko na sa kaso kasi ni erap may lumabas na mga larawan ng mga sinasabing ari arian niya tulad ng boracay mansion. dahil sa mga larawang iyon naging malinaw ang agwat ng kanyang karangyaan at ng kahirapan ng maraming pilipino. kay gloria maraming akusasyon pero walang mga larawan o kahit man lang mabigat na simbulo. marami ang nagakala na si lozada iyon kaso mali eh. paanong magiging simbolo laban sa katiwalian ang isa ring tiwali (siya mismo ang umamin sa bagay na iyan).

    ngayon sa paglabas ng dinner isyu parang nagkaroon na nga ng simbolo. ano pa nga ba ang mas madaling makapagpagalit sa tao kundi yung malaman mong nagpapakasasa ang iyong opisyal gayung ikaw ay nagtitiis sa gutom.

    may kasabihan hindi ko nga lang maalala ang eksaktng teksto pero sinasabing ang righteous indignation is part righteous, part indignation and mostly envy. masama man ang ideya ng envy, hindi na masisisi ang mga tao kung ito man ang maging pinakamitsa ng kanilang galit sa ngayon.

    sa akin lang, kahit pa lumabas na hindi pala totoo ang kahit kalahati ng mga naibintang sa administrasyon, talagang sira na ang kanilang papel. para sa akin pinakamasama ang ginagawa nilang pagsira sa mga institusyon ng ating bayan. ginawa na ito ni marcos noon at nararamdaman natin ang epekto nito hanggang sa ngayon. ang masama ipinagpatuloy (at mukhang minaster pa)ng kasalukuyang administrasyon ang paninirang ito.

    nakakalungkot nga lang isipin na magalit man tayong lahat at magwagi man tayong mapalitan ang mga bulok na namumuno sa atin hindi naman natin alam kung ano ang gagawin pagkatapos para hindi na maulit ang mga mali. sa takbo ng isip ng marami nating kababayan parang hanggang sa pagalit galit na lang tayo. sabi nga ng isa sa mga paborito kong blogger "rally, rally, pffft."

    ano ang kasunod o what's next? yun ang dapat nating pagisipan.

    ReplyDelete

Blind me with your science!