Thursday, February 19, 2009

May pag-asa ba si Dick Gordon sa 2010?

Maraming nagtatanong at gustong malaman kung seryoso ba si Dick Gordon sa pagkandidato niya bilang Pangulo sa 2010.

Sa harap ng naglilipanang mga TV and radio commercial mula pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, kung kani-kaninong mukha ang makikita mong pumuporma at pumapapel bilang Pangulo. Iyong isa may hawak na itik at iyong isa naman, nag-aalok ng abugado para mahabol ang perang itatakbo diumano ng mga pre-need firms.

Si Dick Gordon, minsan mo lang makikita at madidinig sa balita.

Pero, ito lang ba ang sukatan ng isang kandidato sa pagka-pangulo?

Ang tutoo nito at hindi ko maikakaila, mga kapatid, ang dalawang bilyonaryong ito ang pinaka-magaling na mga kandidato -- lalong lalo na kung perang pangkampanya lang ang pag-uusapan.

Iyong isa, tatawag lang kay mommy at si mommy naman, mag-uutos sa katiwalang bangkero para pumala ng pera galing sa bodega. Iyong isa din, magte-text lang kay Misis at sasabihing utusan si Engineer na utusan ang mga peon nila na magdeliver ng isang dump truck na pera.

Ayos! Pera agad.

Sabi pa nga nung isa sa isang TV show kung saan ininterbyu siya ni Tina Monsod Palma, hindi niya kelangan ng contributions at hindi na rin siya tumatanggap. Kaya naman daw niyang ipanalo ang eleksyon na sa kanyang bulsa lang dudukot ng panggastos at bukod dito, ayaw daw niyang magkautang na loob kahit kanino man.

Tumpak! Magaling na sagot. Palakpakan!

Iyong isa naman, hindi masyadong umiimik pagdating sa pera. Ikanga, sobrang tagal na nilang mayaman at dahil old rich sila, medyo hindi nila ugaling magyabang tungkol sa pera. Sa isang artikulo nga ng pahayagang Philippine Daily Inquirer na laging nagsasabing "Dare to be an Inquirer", sabi nga ni Mama's boy walang kinalaman ang pedigree niya kung mananalo man siya sa eleksyon. Wala daw itong mai-aambag sa pagsulong ng kanyang kandidatura.

Parang sinabi na rin niyang, "Pare, hindi na pagmamayabang pero..." at alam na natin kung ano ang malamang na kasunod nito: Pagmamayabang pa rin.

Kung mabibili man ang eleksyon sa 2010, ngayon pa lang masasabi na natin kung sino ang panalo.

Dahil dito, matatanong niyo, seryoso ba si Dick Gordon sa pagtakbo sa 2010 bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas?

Ang sagot dito ay simple lang at dadaanin ko sa isang tanong din: Seryoso ka ba sa paghahanap mo ng mamumuno sa ating bansa?

Kasi, kung hindi ka seryoso at kahit sinong makita mo sa TV ay pwede na rin, wala na tayong pag-uusapan. Para ka nang hipong tulog na sasama na lang sa agos. Para kang pasahero ng bus na naiwang tulog sa pansitan.

Mabuti na rin kung mag-aral kang sumayaw at bakit? Kasi kung ano ang tunog, iyon ang isasayaw mo. Ngayon pa alang mag-praktis ka nang sumayaw sa 'Hoy! Hoy! Hoy!' at 'Kay Money Billiards kaaaa! May singit at tagaaaa!'

Kung gusto mo talaga ng demokrasya at gusto mo talagang igalang ang pananaw mo sa mga dapat mangyari sa bansa natin, sa pagboto pa lang ng susunod na Presidente ng bansa eh dapat matuto ka nang mag-isip. Kungdi, yari ka at yari ang mga anak mo, ang mga anak nila, at ang anak ng mga anak nila. O di kaya, maghanda ka nang maghanap ng paraan para pumunta sa ibang bansa.

Pero, hindi naman siguro magiging ganun kasama ang sasapitin natin sa ilalim ng pamumuno ng dalawang bilyonaryo.

Bakit?

Kasi, kung ano ang nangyayari ngayon, iyong pa rin ang mangyayari sa ilalim ng kanilang panunungkulan. Business as usual, ikanga. Makakaasa ka, isakay mo pa lolo mo.

Pero, kung seryoso kang naghahanap ng pagbabago sa buhay mo at pagbabago sa bansa mo, heto ang tanong na ipasagot mo sa mga bilyonaryo: Ano ba ang plano mo para sa bansa natin? Ano ang mga nagawa mo na sa nakaraan na magpapatunay na kaya mong ipatupad ang mga plano mo, ano ba ang experience mo? At ikatlo, sa mga ginawa mo dati, may track record ka ba nang matagumpay na pamumuno?

Tatlong tanong lang ang itanong mo at makikita mo na ang pruweba ng dalawang bilyonaryo.

Iyong Mama's boy, galing sa isang bayan na sa tinagal-tagal ng panahon eh mahirap pa rin. Halos lahat ng bayan, FOURTH CLASS MUNICIPALITY PA RIN. Ang nag-iisang pier ng bayan niya, lumulubog. Dalawang senador na at isang pangulo ang nanggaling sa bayan ng mga Aswang, hanggang ngayon poor pa rin... pero, sila rich na rich.

Iyong si Andres de Saya, galing nga sa mahirap pero siya lang ang nagpayaman. Sipag at tiyaga nga. Samahan mo pa ng gulang.

Seryoso nga ba sa pagtakbo bilang Pangulo si Dick Gordon sa 2010?

Matagal nang seryoso si Gordon at matagal na siyang naghahanda para mamuno sa Pilipinas. Sinimulan niya ang paghahanda niya noong bata pa siya at sinimulan niyang bigyang kaganapan ang pagbabagong hanap niya sa pamamagitan ng pagsasakatawan ng pagbabagong hangad niya.

1971, sa gulang na 26, sinikap na niyang baguhin ang takbo ng politika sa bansa.

Sukob tayo noon ng kapangyarihan ng Estados Unidos at ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Alam niyo ba kung gano katapang si Gordon? Kinalaban niya ang mga huwad na diyos ng bansa. Inimungkahi lang naman niyang dapat kabakas ang Pilipinas sa pagpapatakbo ng base militar nila at dagdag pa dito, namuno siya sa pagmumungkahing huwag bigyan si Marcos ng karagdagang termino bilang Pangulo.

Sa gulang na 35, nakita niya ang kahirapang dinaranas ng kanyang mga kabayan sa Olongapo at tumakbo siya bilang Mayor. Nalipol niya ang krimen at karumihan ng bayan niya. Itinatag niya ang Police Law Enforcement Board para matigilan ang abuso ng kapulisan at dagdag dito ang Barangay Crime Watch. Ipinatupad niya ang kauna-unahang color coding system sa bansa para magkaruon ng pananagutan ang mga operator at driver ng mga jeepney. Ipinatupad din niya ang garbage collectiona t segregation system, ang kauna-unahan sa bansa, upang malinis ang Olongapo at pati siya mismo, naglilinis ng kalsada. Sa loob ng maikling panahon, kinilalal ang Olongapo City bilang modelo para sa lahat ng lunsod sa bansa.

Noong pumutok ang Pinatubo, parang nauwi sa lahat ng pinagsikapan niyang maitayo at maitaguyod. Nailibing ng lahar ang buong bayan niya, kasama ng mga karatig bayan nito sa buong Central Luzon. Kahirapan ang hinarap niya at kung sarili lang niya ang iniisip niya, madali na sana ang lahat.

Pero, ano nga ba ang isang lider? Ano ba ang isang Ama ng Bayan kung hindi siya makikibaka sa kanyang mga kabayan?

Sama-sama silang nagpala. Sama-sama silang iniahon ang sarili mula sa pagkakalugmok. Sama-sama silang pinagtagumpayan ang hamon na dulot ng Pinatubo.

At nuong nakaka-ahon na sila, dumating ang pag-alis ng mga Amerikano sa Subic.

Wala ito sa nararanasan nating world wide recession. Talagang tihaya lahat ng negosyong nabubuhay noon sa Olongapo dahil wala na ang mga Amerikanong parokyano nila.

Kung akala ninyo na magkikibit balikat na lang si Gordon at ang mga kabayan niya sa Olongapo noon, doon kayo magkakamali.

Nanguna si Gordon na buhayin ang inabandonang base militar ng Estados Unidos sa Subic. Walong libong volunteers ang nagtrabaho ng walang sweldo para mapangalagaan ito at huwag matulad sa Clark Air Base na ninakaw ang lahat ng mananakaw.

Sa loob lamang ng ilang taon, ang Subic na halos lumubog sa kapal ng lahar ay nabuhay at naging puntahan ng foreign investments. Nagtayo ang Fedex, Intel, at iba-iba pang banyagang mamumuhunan ng kanilang mga planta at opisina sa Subic. Sa sobrang bilis at lakas ng paglakas ng ekonomiya ng Subic, inihalintulad ito sa Singapore at Hongkong.

Matapos ang ilang taon ng matagumpay na pamumuno ni Gordon, bigla na lang siyang pinatanggal ni Erap. Hindi man lamang tinignan ang nagawang pagmamalasakit sa bayan.

Pagkalipas ng ilang panahon, naitalaga si Dick Gordon bilang Tourism Secretary. Sa mga kagawaran ng pamahalaan, itinuturing dati ang Tourism bilang isang menor na cabinet position. Mane-mane lang, ikanga.

Pero, hindi ito mane-mane kay Gordon. Sineryoso niya ito. At sa loob ng kanyang pamumuno, nagpatupad siya ng kampanang Wow PHilippines at napadagsa niya ang turista sa Pilipinas. Biruin niyo, noong nagsimula siya eh walang budget ang Tourism Department para sa tourism promotions! Kulang-kulang na $600,000 ang budget nito sa promotions habang ang Thailand, Malaysia at Singapore ay umuubos ng ilang milyong dolyar kada buwan para manghikayat ng turista sa kanilang bansa.

Nuong December 2003, dalawang milyong turista ang bumusita sa bansang Pilipinas -- lampas sa doble ng bilang ng mga turista nuong 2001 noong nagsimula siya sa panunungkulang bilang Tourism Secretary.

Pagsapit ng 2004, tumakbo siya bilang Senador. Ayaw pa niya nuong una kasi nga naman, expertise niya talaga ang pagiging executive. Magaling siyang magpatakbo ng organisasyon at iba ito sa pagbubuo ng batas.

Gayunpaman, tumakbo siya kasi ang pagkakakilala niya sa sarili niya eh, kahit ano ang harapin niyang panunungkulan ay pagbubuhusan niya ng buong galing at sipag.

Sabi nuon ng mga survey, kulelat siya. Pero nuong natapos ang bilangan, number 5 siya sa mga nanalo bilang senador.

Sa kampanyahan pa lamang, nakita na niya ang problema sa eleksyon at doon nabuo ang isip niya na ang mga unang batas na imumungkahi niya ay iyong batas na magbabago sa ating eleksyon. Tama na anya ang mano-manong pagtatara ng bilang ng boto, dapat computerized na ito at dapat wala nang puwang para sa maling pagbibilang o tahasang pandaraya.

Hindi pa lumalabas ang 'Hello Garci' scandal, nabuo na niya ang ilang mahalagang batas tungo sa modernong eleksyon. Pinasa niya ang Amended Automated Election System Law at pinursigi niya ang pagsasakatuparan nito. Ngayon, sa 2010, tiyak na ang pagdaraos ng Automated Elections at makakataiyak tayo na wala nang Hello Garci.

Pero isa lang iyan sa mga pagbabagong itinutulak niyang magkakaroon ng pagkaka-sakatuparan. Andyan din ang Tourism Law na lalagdaan na ni Pangulong Arroyo sa loob ng susunod na buwan. Sa pagpasa nito, matitiyak na dodoble o tri-triple ang dami ng bilang mga turista sa bansa.

Nagkakakulangan ba sa trabaho ngayon? Pwes, pag-nalagdaan ang Tourism Law, mauubusan ng tambay sa Pilipinas at tayo na ang mahihilo sa dami ng trabahong kelangan punan. Baka sa sobrang laki ng demand para sa mga empleyado, pabalikin natin ang mga kamag-anak mula sa abroad at iyong mga magulang na nangingibang bansa ngayon, papauwin na natin. Tourism means jobs, at tutoo ito.

Ngayon, 3 million na turista ang bumibisita sa bansa natin at dahil ang bawat turista ay lumilikha ng trabaho para sa sampung Pilipino, tinatayang 30 million na trabaho ang linilikha nito. Eh paano kung dumoble ang bilang ng mga turista? Eh di nangangahulugan ito ng 60 million na trabaho at kung 92 million ang bilang ng mga Pilipino, tiyak, kulang na kulang ang dami natin.

At may isa pang mahalagang batas na sana maipasa ni Gordon. Ito ang Health and Education Acceleration Program. Sa pamamagitan nito, kukuha ng pondo mula sa kinikita ng Smart, Globe, at Sun Cellular at ilalagay ito sa pondo para sa pagtataguyod ng mas magandang mga public schools. Kumpleto ang classrooms, kumpleto ang teachers, libro at iba pang kagamitan. Dagdag pa dito ang libreng pakain sa eskwela at libreng konsulta sa doktor, bakuna, at gamot.

Seryoso ba si Gordon sa pagtakbo bilang Pangulo sa 2010?

Seryoso siya. Matagal na siyang naghahanda at matagal nang handa para sa katungkulan ito. Alam niyang hindi ito madadaan sa komersyal sa radio at TV. Kelangan dito ang tunay na galing na hinasa sa napakaraming pagsubok. Kelangang dito ang sinseridad sa paglilingkod sa publiko. Kelangan dito ang GAWA, hindi PORMA at SATSAT.

May pag-asa ba si Dick Gordon sa 2010?

Siguro ang mas maiging itanong eh kung may pag-asa ba tayo para sa tunay na pagbabago?

Ang tunay na pag-asa, hindi ito nakukuha mula sa ibang tao. Tayo mismo ang nagbibigay nito sa sarili natin.

Kung gusto mo ng pag-asa para sa pagbabago, kay Dick Gordon ka na.

1 comment:

Political Jaywalker said...

Paul,

I am at a loss on this comment at my blog, not sure if it was you or an impostor. Please let me know if that was an impostor so I can delete it.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...